GIVE A GIFT TREE

ADVERTISEMENTS

Ninunong Puno
by Arnold A. Clavio
Haring Ibon Issue 38 | April-June 2009


Hindi pa rin nawawala sa tao ang pangarap niyang makalipad. Ilang dekada na rin naman ang mga pagtatangkang ginawa para maiangat ang ating mga paa sa lupa.

Para sa akin, kaakibat marahil ng pagnanasang makalutang sa hangin ang walang kapalit na kasiyahan na minsan ay makalaya mula sa pagkakaapak sa mundo.

Kaya isang weekend, niyaya ako ng pamilya ko na mamasyal sa Subic para sa kakaibang ‘adventure’…. ang makalipad!!!

“SUPERMAN RIDE”
Isa lamang ang karanasan na makalipad sa hamon ng Treetop Adventure sa loob ng Subic Freeport Zone sa Subic, Zambales ng “Superman ride” na hango sa ngalan ng superhero na si Superman.

Sa tulong ng mga harness, ipadarama sa iyo kung papaano ang makalipad sa taas na mahigit sa 100 piye (feet), mula sa lupa habang nakalambitin sa kanilang “cable suspension system” nang nakadapa. Kailangang ibuka mo ang iyong mga braso at mga binti’t hita para ganap na masiyahan.

Sa simula ay may kaba dahil sa lula pero kapag humahampas na sa iyong mukha ang malamig na hangin at habang sinasalubong ang luntiang mga dahon, tiyak na uulit at uulit ka pa nang makailang beses.

CANOPY CHAIR LIFT
Sa mga mahina ang loob na nakalambitin sa hangin, ang “Canopy Chair Lift” ride ang para iyo.

Sa loob ng isang oras at kalahati, iikot ka sa ibabaw ng iba’t ibang mga puno habang nakaupo sa mga “motorized cabled chair”. Sa tuwing lilipat ka ng upuan, pataas din ng pataas ang iyong paglalakbay, mula sa 140 piye hanggang sa 220 piye.

Kamangha-mangha kapag nakarating ka na sa pinakahuling puno ng Apitong na ilang dekada na ang edad. Pinangalanan ko siyang “Yoyo” o si lolo. Siya kasi ang pinakamatanda at nag-iisang puno ng Apitong sa gubat. Sa lapad at taas nito, magiging emosyonal ka kapag naalala mo kung papaano sila iligal na pinuputol.

Kakaiba ang nararamdaman ko habang tinatanaw mula sa itaas ang kagubatan ng Subic. Binigyan ako ng pagkakataon na matanaw mula sa itaas kung ano ang nakikita ng mga nagtataasang puno. Isa itong kapana-panabik na karanasan na malaki ang maitutulong na kahit papaano ay nakapahinga ang aking kaisipan mula sa bigat ng aking trabaho bilang mamamahayag.

Isang impormasyon pa ang aking ikinagulat habang nagpapalipat ako ng puno. Kahit matanda na sila, mapupuna sa mga turnilyo’t kable na nakapalibot sa kanilang malapad na katawan, na patuloy pa rin sila sa paglaki.

TREKKING ADVENTURE
Kung hindi pa rin mawala ang takot mo sa lula, sumali ka na lamang sa kanilang ‘trekking adventure’.

Ito ay ang paglalakad mo sa loob mismo ng ‘rainforest’ ng Subic na tila isa ka sa mga contestant ng Survivor Philippines.

Mamamangha ka sa yaman na iniaalok ng gubat na ito, mula sa kakaibang tunog ng pagkaway ng mga dahon at sanga hanggang sa saliw ng mga awiting hatid ng iba’t ibang uri ng ibon at hayop.

Nadagdagan pa ang nakilala kong mga ninunong puno, bukod kay Yoyo Apitong. Sina Lolo Lawaan at Lolo Kupang. Mga punong kasing laki ng isang bus ang lapad at tila katulad ng 40-palapag na gusali sa taas.

Habang pinagmamasdan ko sila, lalo lamang akong nanliliit sa aking kinatatayuan.

Sakaling maubusan naman ng tubig sa paglalakad, tuturuan kang humanap ng tangkay ng “bikal” o “lapatan”. Ang tubig na magmumula rito ay puwede nang pamatid uhaw.

Ang puno ng “Kupang” na pinagkukuhanan ng “chopstick” at “toothpick”. Ang “gugo” kung saan ang sapal nito ay maaaring ipahid sa katawan at proteksyon laban sa kagat ng lamok.

Tunay na kay daming tulong ang makukuha mula sa liblib ng gubat.

BALIK KALIKASAN
Sa aking naging karanasan, kasama ng aking pamilya, kay sarap na mabalikan at lubos na makilala ang Inang Kalikasan at ang kalingang ibinibigay niya sa tao.

Ang lilim na inihahandog niya laban sa init ng araw. Ang luntiang kapaligiran na nakapagpapakalma ng kaisipan. Ang malamig na simoy ng hangin na yumayakap sa aming mga katawan. At ang musikang kay sarap pakinggan, simple at payak, na nagmumula sa huni ng iba’t ibang ibon at hayop na nagsisilbing bantay nila.

Manguna at samahan natin ang ating mga anak na ipakilala sa kanila ang kanilang mga ninuno.

Umuwi akong nag-iisip nang malalim. Papaano ko masusuklian ang kanilang pagmamahal. Hahayaan mo bang mawala ang kagubatan sa hinaharap Pababayaan mo bang makitil ang kanilang buhay nang walang kalaban-laban.

At habang papalayo ako, nawala na sa isip ko ang pangarap na makalipad. Naglalaro sa aking isip kung papaano ko pasasalamatan ang kalikasan na sa matagal nang panahon ay nagkakalinga at nag-aaruga pala sa akin.

Sabi ko sa sarili ko, babalik ako sa gubat at muli ko silang yayakapin. Sa simpleng aksyon kong ito ay maipadama ko sa mga ninunong puno na mayroon pa rin naman na tao na nagbabalik ng kanilang pagmamahal.

Hindi lamang isang hamon ang naranasan ko, kundi isang di malilimutang relasyon kasama ng mga ninunong puno.