Ni Dr. Josephine Agapito
Mga 50 species na Critically Endangered na sa kasalukuyan
Nawa ay kaya pa nating maprotektahan
Sa tuluyang pagkawala dito sa sanlibutan
“Black Shama – Kittacincla cebuensis”
Isang uri ng ibong sa Cebu lang makikita
Kaya tinaguriang endemic pero nauubos na
Critically Endangered at nakababahalang talaga
Sayang kung sa ating mundo ay ma-extinct na
Kategorya nitong ibon ay Passerines
Halos kalahati ng porsyento ng mga ibon mandin
Mga maliliit na dumadapo sa kakahuyan kung tutuusin
Perching at songbirds ang tawag kung iinglisin
Kung titingnan ang anatomiya ng mga paa
Tatlong daliri nito ay sa direksyong pauna
Isa ang nasa likod kaya kay daling kumapit sa mga sanga
Mga katangian ng pagiging passerine na kategorya
Katamtaman ang laki ng ibong ito
Matingkad na asul ang kulay kung lalaki mismo
Kulay kape ang babae kung titingnan mo
Itim ang kulay ng paa, tuka, at mata nito
Mailap ang mga ibong ito pero mahusay
Sa paghuni kasi ay kay galing na tunay
Sa mababang lugar ng bundok ay sanay
Pero sa mga tao ay takot at di mapalagay
Siloy ang tawag ng mga taga Cebu
Mga beetles ang kinakain ng mga ito
Pagkasira ng gubat ang dahilang sigurado
Kung bakit nanganganib na ang ibon sa mundo
Sa huli likas nating yaman ay alagaan
Ito ang pamana sa salinlahing iiwanan
Nakalulungkot kung ‘di na sila masisilayan
Kaya ngayon ang pagkilos ay kinakailangan