ANG PAGBABAGO NG KALIPI Real

February 15, 2022

Ni Mariz Gamara

(Read the English version here)

Mga miembro ng Kalipunan ng Liping PIlipina o KALIPI Real Federation.

“…Ibang-iba ang KALIPI Real Federation noon kumpara sa ngayon.”

– Leo James Portales (MGDH-MSWDO Real, Quezon)

Ito ang linyang humamon at nagpataba ng puso ng KALIPI Real Federation, isang organisasyon na binubuo ng mga women leaders ng iba’t ibang barangay ng Bayan ng Real, at Women Go Project Team habang nagbibigay ng mensahe si Ginoong Leo James Portales, Municipal Government Department Head ng Municipal Social Welfare and Development Office sa Real, Quezon, sa kanila habang isinasagawa ang pagbuo ng kanilang Strategic Plan noong ika-12 ng Oktubre 2021. Ang Strategic Plan ay proseso ng pag babalik-tanaw at pagsasaayos ng pananaw, misyon, layunin, at estratehiya ng samahan para maging basehan ng kanilang pokus, plano, at aktibidad sa loob ng limang taon.

“Dati ang KALIPI ay nabubuo lang once a year para umatend ng Womens Month Celebration… ngayon ay katuwang na ang KALIPI Real Women’s Federation sa pagbabalangkas ng kanilang polisiya, pagpa-plano at maging sa pag babadyet,” – Leo James Portales (MGDH-MSWDO Real, Quezon).

Masaya ring ibinalita ni Ginoong Portales ang nalalapit na pagkilala o pag accredit ng lokal na pamahalaan ng Real sa KALIPI Real Federation. “..Noong una hesitant talaga ako sa KALIPI Real dahil nakikita ko ito na hindi magiging sustainable dahil sa pagbabagong politikal. Pero ngayon, kinikilala na kayo ng Pamahalaang Bayan ng Real bilang katuwang sa pag-abot ng kababaihan sa komunidad. Dati ang KALIPI ay nabubuo lang once a year para umatend ng Womens Month Celebration sa Bayan ng Lucena, Quezon at pagkatapos nun ay wala ng iba pang activities na kasunod, ngayon ay katuwang na ang KALIPI Real Women’s Federation sa pagbabalangkas ng kanilang polisiya, pagpa-plano at maging sa pag babadyet”.

Minsan pa ay sinariwa niya ang patuloy na paglakas ng KALIPI Real Federation sa tulong ng Enhancing the Role of Women in Protected Area Governance for Social Change or Women Go! Project ng Haribon Foundation na pinondohan ng European Union. Ipinagmalaki nitong  kinuwento ang positibong pagbabago at pag-uunlad ng KALIPI Real. Ayon dito “mas naging aktibo ang mga KALIPI dahil sa tulong ng Haribon”.

Nagbalik-tanaw din siya at masayang inisa-isa ang paglalakbay ng KALIPI Real Organizations kasabay ang Women Go Project ng Haribon. Mula sa pagkaroon ng Organizational Profiling at Assessment hanggang sa DOLE Accreditation. Malaking tulong ito aniya, dahil buwan ng Septyembre taong 2020 ay kasisimula pa lang buuin ng Lokal na Pamahalaan ng Real ang KALIPI Federation Real. Sa pamamagitan din daw ng assessment na pinangunahan ng Women Go Team ay nalaman nila ang kanilang kasalukuyang estado. Natukoy din nila ang mga kakayahan at mga kailangan pang pag-ibayuhin ng samahan sa pamamagitan ng Organizational Capacity Assessment. Nabigyan rin sila ng mga technical assistance tuwing KALIPI monthly meeting at nagsilbing gabay upang ma-accredit ng Department of Labor and Employment (DOLE) ng Quezon ang KALIPI Cawayan at Poblacion 1. 

Nagalak din siya sa naging epekto ng Facilitators Training on Basic Ecology and Environmental Laws na nagresulta sa pagiging aktibo, matatas, at may kumpyansa sa sarili na KALIPI Federation, aniya, “Dati di kayo nagsasalita at takot, ngayon habang pinapakinggan ko kayo, para na rin kayo ang trainor. Andun nakikita ang ang impact, may naga-gain na knowledge. May continuity ng mga tao na binu-build up na maging leader ng Federation”. 

Mga miembro ng KALIPI sa mga workshops ng Women Go project ng Haribon.

Bakas sa mukha nito ang taos-pusong pasasalamat sa mas pinalakas na KALIPI dahil sa Women Go Project ng Haribon Foundation. Sa katapusan ng kanyang mensahe ay kanyang sinabi, “Matatapos ang Women Go Project ng Haribon Foundation pero hindi mawawala ang KALIPI Federation Real, kahit sino pa ang Mayor at Kapitan. Kagaya ng ibang association na aktibo, umuunlad, at may nararating, ang KALIPI Real Federation ay ganun din.”