Ikaw ay ina rin

November 30, 2020

Ni Jeselle Kirit

Sa isang mataas na lupain, akay-akay mo ako
Di malaman hanggang saang bundok ang tatawirin, maisilang lamang mula sa pulong ito
Bansag sa akin imortal na tao
‘Pagkat alam mo ang aking simula ngunit di mo malalaman ang dulo

Tinangay mo ako palayo, papunta sa lugar na bago sa akin
Hinayaan mo akong lumaking mag-isa, binibisita na walang bahid ng pagkamainipin
Kay bilis ng panahon, pagsuri mo marunong na akong tumayo mag-isa
Dito sa lupaing ito ako’y mistulang nagrereyna

Dumaan ang ulan at iba pang matinding delubyo
Tandaan mong walang makapagpapatumba sa akin, kasama ng iba ko pang kabaro
Lunurin mo man kami sa baha, ‘wag limuting daig pa namin ang sirenang kung sumisid ay todo

Isang araw habang namamahinga ako sa ilalim ng matinding sikat ng araw
Nakadinig ako – isa, dalawa, malakas na habag
Tunog ng pamamaril mula sa malayo pero pakiramdam mo’y andiyan lamang
Yapak mo’y di ko na madama, ika’y lumisan na

Ilang taon ang lumipas, andito pa din nakatayo
Tiyak balang araw makakaharap ko din ang pumaslang sa ‘yo
Na siyang papaslang din sa akin, nag-aantay lang ng tsempong
Ako’y umabot ng isang daang taon, para mapakinabangan nang husto

Mahal kong ibon
Ikaw ay isang ina rin
Tulad mo ang mga tao
Ay pwedeng magsilang ng mga tulad namin