Si Tatay Fred

June 21, 2020

Ni Nova Regalario.

Tatay Fred educating Haribon members on native tree wildling transplanting.

Sa pagdiriwang ng Araw ng mga Ama, binibigyang pugay natin ang mga haliging kabahagi natin sa pangagalaga ng kalikasan – ang mga ulirang magsasaka.

Si Tatay Alfredo Canon ay nagmula sa probinsya ng Leyte. Siya ay nakipagsapalaran sa Maynila at nanahan sa San Pablo, Laguna.

Bitbit ang itak (bolo) at radyo, handa si tatay para sa kanyang laban. Bubunuin ang magdamagan sa gitna ng init at ulan. Paminsan minsan ay isinasklot din ang salakot na gawa sa plastik upang ‘di gaanong mabasa ang kanyang ‘di kalakihang katawan.

Sa kabilang balikat naman nakasabit ang isang transistor radio upang makapulot ng balita tungkol sa lagay ng panahon, mga isyung pambansa, at iba pa.

Tatay Fred with bolo and a transistor radio to prepare for the planting day.

“Kapag marami na ang puno sa lugar na ito, susunod na dadami ang mga ibon dito,” ani Tatay Fred tangan ang radyo’t bolo na kaniyang tanging sandata para makapaghanda sa pagpapanumbalik ng mga naputol na punong-kahoy.

Bagaman matanda na, hangad pa rin niyang makibahagi para sa mabuting pagbabago. “Hindi ko man abutin ang paglaki ng mga puno, ang ating itatanim dito ay para sa susunod na henerasyon,” dagdag pa ni tatay.

Kasama si Tatay Fred sa mga miyembro ng San Cristobal Farmers Association (SCFA) na nagsusulong na maipanumbalik ang dating nasirang kagubatan ng Bundok San Cristobal, bahagi ng Mt. Banahaw San Cristobal Protected Landscape.

Sa kabila ng mga balakid at kakulangang pinansiyal, mas minabuti ni Tatay Fred na ibahagi ang kanyang kakayahan at panahon para pagpaparami ng mga katutubong puno.

Tatay Fred, the SCFA Treasurer, preps the native seedlings delivery list for planting.

Dumarating din sa punto na naghihina na ang kanyang pisikal na pangangatawan. Nang minsa’y pumanhik ako upang bisitahin ang grupo sa kanilang land preparation napansin kong wala si Tatay Fred.

Kalauna’y nakita ko siyang umaahon sa mataas na bahagi ng aming kinatatayuan. Mababakas sa kanyang mukha ang pagod at animoý may dinaramdam.

“Kumusta po?” ang tanong ko.

Sumagot siya at sinabing nilagnat siya noong nakalipas na gabi. Mabuti na lamang ay may baon siyang gamot na kaniyang ininom pagkatapos ng hapunan. Inaalala din niya ang gawain sa magdamagan na paghahanda ng lupa sa darating na tree planting activities.

Aminado si Tatay Fred na minsa’y naging bahagi siya ng pagkasira ng Inang Kalikasan sa pagpuputol ng mga puno bilang pangkabuhayan. Sa kabila nito, nakikita pa rin niya ang puwang sa pagbabalik-loob sa kalikasan, gaya ng kanyang naging pagbabago.

Bago pa man nagsimula ang proyekto ng Haribon kasama ang SCFA, ginagampanan na ni Tatay  Fred ang kanyang tungkulin sa kalikasan. Sa tuwing siya ay aakyat sa paanan ng San Cristobal para sa kanyang taniman ng gulay, nagtatanim rin siya ng isang puno.

Si Tatay Fred ay ama, anak, kapatid, tiyo, at lolo na sa payak na paraan ay nagiging bahagi ng pangagalaga sa kalikasan para sa susunod na henerasyon.

“Tuwing ako’y uuwi mula sa aking taniman sa bundok, napapawi ang aking pagod kapag nakita ko na aking mga apo. Sadyang nakakaalis ng anumang pagod ang masilayang masayang naglalaro ang mga bata habang ako ay nakahiga at sila’y pinagmamasdan,” sabi ni tatay.

Tatay Fred collecting wildlings near the SCFA Native Seedling Nursery.

Sa muli kong pag-akyat kasama ang grupo, napag-alaman ko na nagkasakit si Tatay Fred at pinayuhan ng doktor na pansamantalang bawasan ang mabibigat na gawain.

Binisita ko siya sa kanilang tahanan at ayon sa kanya, nagtatanim-tanim siya pansamantala ng mga native seedlings habang ‘di muna namin siya makakasama sa patatanim ng mga puno.

Pagkalipas ng ilang buwan, bumalik na ang lakas ni Tatay Fred. Ayon sa kanya, masaya siyang makasama muli sa pag-akyat ng bundok. Ngunit mayroon ding kaunting lungkot dahil sa kabila ng ginagawang pagtatanim, may mga pagkasira pa rin sa lugar ng taniman ng mga taong hindi pa ganap na nauunawaan ang halaga ng puno at kalikasan. Sa kabila nito, positibo pa rin siya na darating ang panahon ng lubos na mauunawaan ng mga tao kung ano ang halaga ng kagubatan.

Sa aming mga naging pag-uusap, ito ang aral na tunay na tumatak: ano man ang maibahagi mo – maliit man ito o malaki – ang mahalaga ay ang magbigay nang buong puso’t kalooban.

Maraming kuwento ng buhay ang maiuugat sa paanan ng bundok San Cristobal o saan mang bundok o patag na aking malakbayan. Ito’y mga kwentong nagbibigay inspirasyon at pagpapahalaga sa buhay ng bawat tao.